Home METRO 5 kapwa akusado ni Quiboloy naglagak ng piyansa

5 kapwa akusado ni Quiboloy naglagak ng piyansa

DAVAO CITY – Naglagak ng piyansa ang limang kapwa akusado ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo C. Quiboloy sa kasong child abuse, exploitation at diskriminasyon na inihain sa Davao City regional trial court (RTC).

Kinilala sila ng National Bureau of Investigation (NBI) na sina Cresente Canada, Paulene, Canada, Sylvia Cemanes, Jackielyn W. Roy, at Ingrid C. Canada na kinasuhan ng maltreatment.

Naglagak sila ng piyansang tig-P80,000 para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Sa kabilang banda, si Quiboloy — ang punong akusado — ay nanatiling nakalaya sa kabila ng arrest order na inilabas ng Davao City RTC noong Abril 1.

Siya at ang kanyang kapwa akusado ay kinasuhan ng mga paglabag sa Sections 10(a) at 5(b) ng Republic Act (RA) No. 7610, ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, dahil sa mga di-umano’y sekswal na pang-aabusong ginawa. noong 2011 laban sa isang babae na noon ay 17 taong gulang.

Sinabi ng NBI na magpapatuloy ito sa kanilang mga operasyon upang mahanap at maaresto si Quiboloy.

Noong Abril 3, nagsagawa ng joint operations ang NBI Southeastern Mindanao Regional Office (NBI-SEMRO) kasama ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng mga search warrant sa tatlong lokasyon sa Davao City kung saan napaulat na matatagpuan si Quiboloy pero bigo ang mga ito na maaresto ang pastor. RNT