Home METRO 5 kaso ng pertussis kumpirmado sa Baguio

5 kaso ng pertussis kumpirmado sa Baguio

MANILA, Philippines – Nakumpirma ang limang kaso ng pertussis o whooping cough sa Baguio City mula Pebrero 19 hanggang Marso 27.

Batay sa datos mula sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), nakumpirma ang mga kaso ng pertussis sa mga sumusunod na petsa: Peb. 19, Peb. 27, Marso 6, Marso 13, at Marso 27.

Walang naiulat na pagkamatay dahil sa pertussis sa nasabing lungsod.

“Sa ngayon ay wala pang clustering ng mga kaso ngunit naghihintay kami ng karagdagang kumpirmasyon ng mga huling kaso ng admission noong nakaraang linggo na may bilang na apat na kaso,” ani Acting City Health Officer Celia Flor Brillantes sa isang pahayag.

Sa 23 hinihinalang kaso, sinabi ng CESU na lima ang kumpirmado, 15 ang negatibo at tatlo pa ang nakabinbin. Isa lamang sa mga kumpirmadong kaso ang hindi nabakunahan laban sa impeksyon.

Sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na hindi pa rin dapat ikabahala ang mga kaso. Gayunpaman, pinaalalahanan niya ang mga residente na manatiling mapagbantay laban sa mataas na nakakahawang sakit.

Nitong Marso 27, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 568 na kaso ng pertussis sa bansa — 20 beses na mas mataas kaysa sa mga naitalang kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Sa ngayon, humigit-kumulang 40 pagkamatay na may kaugnayan sa sakit ang naitala.

Nagdeklara ng state of calamity ang mga lokal na pamahalaan ng Cavite, Iloilo, at Quezon City dahil sa pertussis outbreak. RNT

Previous articleBinatilyong nanonood lang ng prusisyon nilikida, patay!
Next articleIran embassy sa Syria binomba ng Israel; ilang kumander tigok!