MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Sen. Francis Pangilinan na mahalagang marinig ng Senate impeachment court ang opinyon ng mga legal expert dahil lima lamang sa 24 senator-judges ang abogado.
Ginawa ni Pangilinan ang pahayag matapos payagan ng impeachment court na tumestigo si retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Tinutulan ng kampo ni Duterte ang pagtestigo ni Cabotaje-Tang, iginiit na malaking bahagi ng kanyang testimonya ay tumatalakay sa mga batas at jurisprudence na maaari umanong kilalanin ng impeachment court sa pamamagitan ng judicial notice.
Ayon kay Pangilinan, naiiba ang impeachment court sa regular na korte dahil hindi lahat ng senator-judges ay abogado.
“We are only five lawyers here out of 24 senators,” ani Pangilinan.
Ipinaliwanag naman ng prosecution na ihaharap si Cabotaje-Tang upang talakayin ang mga konseptong legal kaugnay ng Article II ng impeachment case, kabilang ang unexplained wealth, Statement of Assets, Liabilities and Net Worth, beneficial ownership at financial interests.
Iginiit ng defense na hindi nakalista si Cabotaje-Tang bilang witness sa pre-trial order at posibleng makaapekto umano ang pagtestigo nito sa due process rights ni Duterte.
Gayunman, pinayagan ng impeachment court na magpatuloy ang kanyang testimonya.
Nauna na ring nagpasya ang impeachment court na kumonsulta sa mga dating mahistrado at constitutional law experts kaugnay ng hiwalay na usapin sa kinakailangang bilang ng boto para sa conviction sa impeachment trial. RNT