MANILA, Philippines — Nanawagan ang ilang operator at may-ari ng Private Emission Testing Centers (PETCs) sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) na linawin ang pagpapatupad ng mga patakaran sa emission testing at motor vehicle inspection, partikular ang kani-kanilang saklaw ng PETCs at Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs).
Ayon sa mga operator, may ilang PETC umano na hindi na-renew ang kontrata o authorization matapos mapatawan ng mga penalty kaugnay ng sinasabing violations gaya ng late uploading ng test results at pagkakaroon umano ng identical test results.
Sinabi rin nila na may isang operator umanong naharap sa kabuuang penalty na umaabot sa humigit-kumulang ₱32 milyon.
Ayon pa sa grupo, walong PETC ang maaaring maapektuhan sa kanilang operasyon sa ilang lugar sa Rizal, Leyte, Bohol, Marinduque, Bulacan at Palawan.
Isa sa mga isyung nais nilang malinawan ay kung paano ipinatutupad ang mga regulasyon sa PETCs at PMVICs, kabilang ang emission testing na bahagi rin ng inspection process ng mga awtorisadong PMVIC.
Sa ilalim ng Republic Act No. 8749 o Philippine Clean Air Act, binigyan ng kapangyarihan ang transport department na tiyakin ang pagsunod ng mga sasakyan sa emission standards at mag-authorize ng private emission testing centers.
Nakasaad din sa batas na walang motor vehicle registration na maaaring maibigay kung hindi pumapasa ang sasakyan sa emission testing requirements, at ang naturang pagsusuri ay maaaring isagawa ng transport department o ng mga awtorisadong inspection center.
Sa isang memorandum ng LTO noong 2021, kinilala rin ang opsyon ng mga motorista na magpa-full roadworthiness inspection at emission testing sa awtorisadong PMVIC, o kumuha ng emission testing mula sa PETC at sumailalim sa ocular o manual inspection ng LTO.
Samantala, kinilala rin sa isang LTO memorandum circular noong 2025 ang regulatory authority ng DOTr at LTO sa parehong PETCs at PMVICs sa ilalim ng Department Order No. 2022-020.
Gayunman, iginiit ng ilang PETC operators na kailangan pa ring malinaw kung pare-pareho ang standards, enforcement at penalties na ipinapataw sa dalawang uri ng testing facilities.
Kinuwestiyon din nila ang umano’y mga paglabag ng ilang PMVIC sa mga patakaran kaugnay ng Motor Vehicle Inspection System Report (MVISR), at hiniling na siyasatin kung pareho ang proseso ng enforcement para sa PETCs at PMVICs.
Nanawagan ang mga operator sa DOTr, LTO at iba pang kinauukulang ahensya na linawin ang legal at regulatory framework sa emission testing at vehicle inspection at tiyaking pantay ang pagpapatupad ng mga patakaran.
Bukas ang Remate Online sa tugon o paglilinaw ng DOTr, LTO, PMVIC operators at iba pang partidong binanggit sa usapin. RNT