Home NATIONWIDE 5 menor na ibinubugaw nasagip sa Angeles

5 menor na ibinubugaw nasagip sa Angeles

MANILA, Philippines – Limang menor de edad na sinasabing ibinebenta na parang kalakal sa mga dayuhan ang nasagip ng mga awtoridad sa Angeles City.

Ang suspek na umano’y bugaw sa mga menor de edad ay inaresto ng National Bureau of Investigation – Counter Intelligence Division sa isang resort sa Angeles City.

Umiikot umano ang suspek sa iba’t ibang bar sa Angeles para mag-alok ng serbisyong sekswal sa mga dayuhan na kinasasangkutan ng mga menor de edad, 15 at 17 taong gulang.

“Hindi po siya nage-engage pag hindi foreigner yung parokyano. Nago-offer po siya ng mga serbisyong sekswal mula sa mga menor de edad na ngayon. Meron na po silang mga resort at mga motel na sadyang pinagdadalhan ng mga biktima at hinahatid nila ito door-to-door,” ani NBI-CID chief Heli Tiu.

Sinabi ng NBI na dalawang taon nang nag-o-operate ang suspek sa Pampanga at gumagamit ng social media para makipag-ugnayan sa mga customer.

“Significant ang trabahong ito dahil ang direktiba ng aming direktor na si NBI Director Santiago at latest pronouncement ng pangulo na iintensify natin ang operation laban sa child exploitation. Qualified human trafficking at child trafficking na walang piyansa at may parusang habang buhay na kulong,” ani Tiu.

Itinurn-over na ang mga biktima sa Department of Social Welfare and Development – Angeles, Pampanga. RNT