Home OPINION PHILHEALTH CASE RATE PARA SA HEMODIALYSIS,  ITATAAS SA P6,350/SESSION

PHILHEALTH CASE RATE PARA SA HEMODIALYSIS,  ITATAAS SA P6,350/SESSION

MULING itataas ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) ang benefit package para sa bawat hemodialysis session ng mga pasyenteng may stage 5 chronic kidney disease (CKD5).

Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na siya ring chairperson ng PHILHEALTH Board, napagkasunduan na itaas mula sa kasalukuyang Php 4,000.00 ay magiging Php 6,350.00 na ang bawat sesyon sa loob ng pakete kapwa sa pampubliko at pribadong dialysis units alinsunod sa kagustuhan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. Katumbas ito ng 58.75 percent na paglaki sa coverage.
Pero pinayagan din ng PHILHEALTH Board ang mga pribadong dialysis units na magdagdag ng bayarin para sa mga serbisyong hindi pasok sa “minimum standards of care” na sasagutin na ng mga pasyente o ang tinatawag na out-of-pocket payment.
Noong nakaraang Linggo ay nagdaos ng pagpupulong ang PHILHEALTH Benefits Committee at pinakinggan ang mga rekomendasyon at posisyon ng mga ospital, dialysis centers, at ng Philippine Society of Nephrology ukol sa “persistent challenges of dialysis”.
Inatasan na ni Secretary Herbosa ang PHILHEALTH na madaliin ang binubuong circular para sa implementasyon ng panibagong rate.
Ito ang ikalawang beses na itataas ng health insurance corporation ang case rate para sa hemodialysis na mula Php 2,600.00 ay ginawa nang Php 4,000.00 ng CDK5 patients.
Nauna rito, mula sa dating 90 sessions ay buong 156 sessions na ang sinasagot ng PHILHEALTH na katumbas ng Php 990,600.00 bawat pasyente.
Ipinagbabawal sa mga pampublikong dialysis units ang pag­lalagay ng karagdagang bayarin dahil sa prinsipyo ng “no balance billing”.
Maaari nang maningil ng hanggang Php 450.00 ang mga nephrologist sa mga pribadong dialysis centers sa mga hindi saklaw ng minimum standards.
Sa sinusunod na circular, kabilang sa minimum standards ang erythropoietin, intravenous iron sucrose, at heparin o enoxaparin.
Kabilang din ang walo pang laboratory tests na complete blood count (CBC), serum creatinine, hepatitis profile, alkaline phosphatase, potassium, phosphorus, calcium, serum iron o ferritin transferrin, total iron binding capacity, at albumin.