GENERAL SANTOS CITY- Umabot sa mahigit P2.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa limang nadakip na high-value individuals (HVI) sa isinagawang anti-illegal drug operation ng Regional Police Drug Enforcement Unit 12 (RPDEU 12), noong Huwebes sa lungsod na ito.
Ang mga nadakip na suspek ay kilala sa mga alyas “Kagi”, 56- anyos, “Doy”, 27, construction worker; “Hardy”, 38, motorcycle mechanic; “Dags”, 23, construction worker; at alyas “John”, 21, motorcycle mechanic, pawang residente ng nasabing Lungsod.
Sa pinagsamang operasyon ng RPDEU 12, RID12 Team Bravo, PDEG SOU12, at Police Station 2- General Santos City Police Office (GSCPO), bandang alas-10:42 ng gabi noong Mayo 1, 2025 nadakip ang mga suspek sa Purok 4 Extension, Mudia, Barangay Labangal, ng nasabing lungsod.
Nakuha sa mga suspek ang shabu na may bigat na 310 gramo at tinatayang aabot sa halagang P2,108,000 batay sa Dangerous Drugs Board (DDB) valuation, buy-bust money, iba pang personal na kagamitan at sasakyan na ginamit sa kanilang ilegal na aktibidades.
Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng GSCPO ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa illegal drugs. Mary Anne Sapico