Buong suporta ang ibinigay ni Dasmariñas Mayor Jennifer Barzaga sa kandidatura ni Camille Villar sa Senado, na tinaguriang millennial senatorial candidate, at binigyang-diin ang malaking maiaambag ni Villar sa patuloy na pag-unlad ng lungsod.
Sa harap ng 12,000 katao sa isang Zumba event na ginanap sa Dasmariñas Football Field, hinimok ni Barzaga ang kanyang mga kababayan na suportahan si Camille Villar, dahil aniya, makatutulong ito sa pagpapatupad ng mga proyekto mula sa mga batayang serbisyo hanggang sa pag-unlad ng imprastruktura.
“Ang mga Villar ay maaasahang katuwang ng Dasmariñas,” ani Barzaga, kaugnay sa iba’t ibang proyektong naipatupad ng pamilya Villar sa lungsod.
Sa gitna ng batikos ng mga kalaban sa pulitika tungkol sa problema sa serbisyo ng tubig, naniniwala si Barzaga na sa tulong ni Camille Villar, masosolusyunan nang maayos ang isyung ito.
“Ngayon, kasama po natin ang isa sa aking sinusuportahan dahil mula noon hanggang ngayon marami po silang nagawang proyekto dito sa Dasmariñas at isa rin po siya sa makakapag-solve ng isa sa mga problema natin sa Dasmariñas,” ani Barzaga habang ipinapakilala si Villar sa malaking bilang ng mga lumahok sa aktibidad.
Sa kanyang panig, taos-pusong nagpasalamat si Camille Villar sa mga Caviteño sa mainit na pagtanggap sa kanya.
Damang-dama niya umano ang mga hinaing ng mamamayan at humiling siya ng kaunting pasensya habang pinagtutulungan ng LGU at ng kumpanya ang solusyon sa problema sa tubig.
“Narinig ko po kayo. Karapatan ninyo ang maayos na serbisyo, at sisiguraduhin kong mararating sa pamunuan ng PrimeWater ang inyong mga hinaing,” ani Villar. RNT