Home HOME BANNER STORY 5 patay sa masamang panahon dulot ng ITCZ, shear line – NDRRMC

5 patay sa masamang panahon dulot ng ITCZ, shear line – NDRRMC

MANILA, Philippines- Limang katao ang nasawi, 20 ang sugatan at dalawa ang nawawala dahil sa masamang kalagayan ng panahon sanhi ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at Shear Line.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bulletin, ang mga nasawi na naitala ay mula sa Region II, IV-A, IV-B, V, VIII, at XI.

Sa kabuuan, may 436,164 indibidwal o 139,000 pamilya ang apektado ng masamang panahon. Kabilang dito ang 549 pamilya o 2,366 indibidwal, kasalukuyang nananatili sa 29 evacuation centers.

Dahil din sa masamang panahon, nagkaroon ng pinsala ang imprastraktura. Naitala ang isang power interruption, hindi madaanan ang 39 lansangan at anim na tulay sa mga apektadong lugar.

Tinatayang umabot naman sa P215.7 milyon ang halaga ng pinsala na may 698 bahay ang partially damaged at 394 naman ang completely destroyed.

Sa ngayon, mahigit P15.15 milyong tulong na ang naipamahagi.

Samantala, idineklara naman ang state of calamity sa Baco, Oriental Mindoro, at maging sa Don Marcelino at Malita sa Davao Occidental. Kris Jose