MANILA, Philippines- Simula Enero 8 ay tatanggap na ng mga aplikasyon ang Supreme Court (SC) para sa 2025 Bar Examinations.
Ipinaalala ng SC na ang application period ay mula Enero 8 hanggang Marso 17.
Ang mga wala pang account sa online platform ng SC na Bar Applicant Registration System and Tech Assistance (BARISTA) ay maaring gumawa ng individual account sa https://portal.judicialry.gov.ph/ bago magka-access sa BARISTA.
Kailangang kumpletuhin ng mga aplikante ang kanilang profile, mag-fill out ng application form, upload/re-upload digital copies ng documentary requirements at bayaran ang ₱12,800 application fee.
Sa loob ng 10 calendar days mula sa notice of approval, kailangang isumite ng mga aplikante ang printed at signed copies ng kanilang application forms kasama ang kopya ng mandatory documentary requirements sa Office of the Bar Confidant (OBC).
Idaraos ang 2025 Bar exams sa Setyembre 7, 10 at 14. Magsisilbing chairperson si Associate Justice Amy Lazaro-Javier.
Samantala, inanunsyo ng SC na ang oath taking at roll signing ceremonies sa mga nakapasa sa 2024 Bar Exams ay magaganap sa Enero 24 sa SMX Convention Center sa Pasay City. Teresa Tavares