LEGAZPI CITY – Limang katao ang nasawi sa sunog na sumiklab sa Sorsogon City Public Market nitong Sabado ng gabi, Oktubre 24, ayon sa pamahalaang panlalawigan.
Bandang alas-11 ng gabi nang sumiklab ang apoy na tumupok sa pangunahing gusali ng palengke, kabilang ang meat, poultry at seafood sections, gayundin ang ilang bahagi ng dry goods section at mga kainan sa ikalawang palapag.
Sinabi ni Sorsogon Provincial Information Office chief Salvador Mendoza na sasagutin ng provincial at city governments ang burial expenses ng mga nasawi.
Nakatakda ring pag-usapan ng mga lokal na opisyal ang agarang tulong para sa mga vendor at negosyong naapektuhan ng sunog.
Iniutos ni Gov. Edwin Hamor sa Provincial Engineering Office na ihanda ang isang bakanteng lote sa Sorsogon City Coastal Road na magsisilbing pansamantalang puwesto ng mga vendor habang bumabangon sila mula sa insidente.
Nagpadala na rin ng heavy equipment sa lugar upang mapabilis ang pagtatayo ng temporary marketplace.
Samantala, nagbigay ang Department of Social Welfare and Development-Bicol ng relief at financial assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
Bawat pamilya ng limang nasawi ay nakatanggap ng P10,000 cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program, bukod pa sa psychosocial support at inaayos na funeral assistance.
Nakatakda ring bisitahin ng DSWD ang mga survivor na naka-confine sa ospital upang mabigyan ng karagdagang tulong. Mary Anne Sapico