Home NATIONWIDE 5 persons of interest sa pagpatay sa beauty queen at Israeli fiancé,...

5 persons of interest sa pagpatay sa beauty queen at Israeli fiancé, nasa kustodiya na ng pulisya

MANILA, Philippines – Nasa kustodiya na ng pulisya ang lima sa pitong persons of interest sa pagdukot at pagpatay sa beauty pageant candidate na si Geneva Lopez at Israeli boyfriend nitong si Yitshak Cohen.

“Lima na po yung nasa custody natin, tatlo arrested for different cases, dalawa po ay surrendered and gave their testimonies and dalawa lang po yung at large,” pahayag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil sa panayam ng Radyo 630 nitong Lunes, Hulyo 8.

Idinagdag ni Marbil na aarestuhin din ng PNP ang dalawa iba pa matapos na makakalap ng matibay na ebidensya at makapaghain ng mga kaso.

“Hindi ko pa masabi identities dahil hindi pa na-fi-file ang case but afterwards we can give the whole report,” ani Marbil.

Matatandaan na natagpuan ng mga awtoridad ang labi ng dalawang indibidwal sa quarry site sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac dalawang linggo matapos itong mawala noong Hunyo 21.

Sinabi rin sa ulat na dalawa sa pitong persons of interest ay mga dating pulis. Isa rito ay kinilalang si Michael Angelo Guiang.

Ito ang nagsilbing middleman nina Lopez at Cohen para sa planong bilhing 20.5 ektaryang agricultural land ng magkasintahan.

Samantala, naaresto sa hiwalay na operasyon noong Hulyo 6 ang isa pang dating pulis na si Rommel Abuza.

Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa firearms regulation law and possession of an explosive sa ilalim ng Republic Act No. 9516.

Si Guiang at Abuza ay nakatalaga sa Angeles City police sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic at naalis sa serbisyo dahil sa pag-a-AWOL. RNT/JGC