Home NATIONWIDE 5-taon validity ng PRC IDs aprubado na sa Kamara

5-taon validity ng PRC IDs aprubado na sa Kamara

69
0

MANILA, Philippines – Isang malaking tagumpay para sa milyun-milyong propesyonal sa bansa matapos aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang nagpapahaba sa validity ng Professional Regulation Commission (PRC) identification cards mula sa kasalukuyang tatlong taon patungong limang taon.

Sa botong 266 pabor, zero na kontra, at isang abstention, ipinasá ng kapulungan ang House Bill (HB) No. 8876..

Inaprubahan ang panukala bilang bahagi ng mga hakbang ng Kamara na gawing moderno ang mga proseso ng pamahalaan at alisin ang mga hindi kinakailangang regulatory requirement.

Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, tugon ang bill sa matagal nang hiling ng mga propesyonal para sa isang mas simple, mas mura, at mas episyenteng sistema ng renewal.

“Our professionals deserve a government that values their time and hard work. This measure cuts red tape, reduces unnecessary expenses, and makes public service more responsive to the realities faced by millions of Filipinos,” pahayag ni Marcos.

Inihayag naman ni Leyte Rep. Martin Romualdez, isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, na layon ng repormang ito na pagaanin ang pasanin ng mga Pilipinong propesyonal sa pamamagitan ng pagbawas sa dalas ng pag-renew at mga kaakibat na gastusin..

“Ang panukalang ito ay pagkilala sa sakripisyo at ambag ng ating mga propesyonal. Sa mas mahabang validity ng PRC IDs, mas mabibigyan sila ng ginhawa at sapat na panahon para sa kanilang propesyon at trabaho,” ani Romualdez,

Sa ilalim ng HB 8876, ang lahat ng PIC na ilalabas ng PRC ay mananatiling valid sa loob ng limang taon, basta’t sumusunod sa mga umiiral na batas, continuing professional development (CPD) requirements, at iba pang regulatory standards.

Inaatasan din ng panukala ang Information and Communication Technology Service ng PRC na tapusin ang mga kinakailangang upgrade sa Licensure Examination Registration Information System.

Sinabi ni Marcos na makikinabang sa repormang ito ang malawak na hanay ng mga propesyonal kabilang ang mga guro, nars, inhinyero, arkitekto, accountant, at iba pang lisensyadong manggagawa sa buong bansa.

“Government should make life easier — not harder — for professionals who contribute immensely to nation-building. This reform is about efficiency, convenience and respect for the Filipino workforce,” pagtatapos ni Marcos. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here