MANILA, Philippines- Limang indibidwal, kabilang ang apat na babaeng menor-de-edad ang namatay nang sumiklab ang isang sunog sa Navotas City, napaulat kahapon.
Kabilang sa mga nasawi ay kinilalang sina Sarah Constantino, 41, kanyang anak na si Xylem Lorraine Constantino, 17, senior high, pinsan na si Ruthie Tongco, 11, grade 6, at magkapatid na sina Daniella, 13, grade 8, at Kayla Jocson, 12, grade 6.
Sa tinanggap na ulat ng Navotas City Public Information Office mula sa Navotas Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-7:02 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa hindi pa batid na dahilan sa isang bahay sa Gov. Pascual St., malapit sa San Roque Barangay Hall, Brgy. San Roque.
Kaagad itinaas sa unang alarma bandang alas-7:14 ng umaga at idineklarang under control ng alas-7:42 ng umaga at tuluyang naapula dakong alas-7:53 ng umaga.
Tumambad naman sa mga bumbero ang walang malay na katawan ng mga biktima sa loob ng naturang bahay kaya kaagad silang isinugod sa Navotas City Hospital subalit hindi na sila umabot nang buhay dahil sa pagkakalanghap ng usok.
Ayon sa Navotas BFP, walang tinamong sunog sa mga katawan ang mga biktima at wala ring palatandaan na naging biktima sila ng anumang uri ng karahasan.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP para matukoy kung magkano ang halaga ng ari-arian ang naabo sa sunog habang inaalam pa ang kung ano ang pinagmulan ng nasabing insidente.
Inatasan naman ni Mayor John Rey Tiangco ang tanggapan ng CSWDO ng pamahalaang lungsod na tulungan ang mga pamilyang naulila ng mga nasawi sa sunog gaya ng libreng libing o cremation. Merly Duero