Home NATIONWIDE 50% fare discount sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3 sa mga estudyante, inanunsyo...

50% fare discount sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3 sa mga estudyante, inanunsyo ng DOTR

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na simula ngayong araw, Hunyo 20, ay makikinabang na ang mga estudyante sa mas mataas na 50% na diskwento sa pasahe sa mga linya ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, sapat nang magpakita ng valid school ID o proof of enrollment sa ticket booth upang makakuha ng diskwento.

Sakop ng benepisyo hindi lamang ang mga nasa basic education at college level kundi pati na rin ang mga kumukuha ng master’s degree at law school.

“Magdadagdag tayo ng discount para sa lahat ng estudyante gamit ang LRT-1, LRT-2 at MRT-3. Yung dating 20% discount lang, inutos ng ating Pangulo na gawin itong 50%. Simula ngayong araw, 50 percent na ang discount ng ating mga estudyante. Tuloy-tuloy na ito,” pahayag ni Dizon sa mga mamamahayag.

Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang diskwento sa mga single-journey tickets, ngunit tiniyak ni Dizon na malaking ginhawa ito sa libu-libong estudyanteng araw-araw sumasakay sa tren.

“Malaking tulong ito sa mga estudyante at kanilang mga pamilya, lalo na sa gitna ng mataas na gastusin sa araw-araw,” dagdag pa ng kalihim. Maritess Pumaras