MANILA, Philippines – Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari at drayber ng van na sangkot sa road crash na kumitil sa buhay ng tatlong indibidwal sa Tagaytay City.
Ayon kay LTO Chief Vigor D. Mendoza II nitong Huwebes, Hunyo 19, sinabi na ang show cause order sa may-ari ng Nissan Grand Livina ay bahagi ng imbestigasyon sa insidente para pagpaliwanagin kung bakit pinayagan ang isang reckless driver at taong hindi nararapat magmaneho ng sasakyan.
“We are also coordinating with the local police to get the necessary pieces of evidence, including an official report stating that the driver was under the influence of liquor at the time of the incident,” ani Mendoza.
“Tatlo ang namatay dito, at may kasama pang buntis. Malaki ang pananagutan ng may ari ng sasakyan at yung nagmamaneho nito lalo pa na may lumalabas sa report na lasing ang driver nung van,” dagdag pa.
Sa report na natanggap ng LTO Region 4A, nangyari ang insidente noong Martes sa bypass road sa Barangay Zambal, Tagaytay City, kung saan binangga ng van ang isang sedan na bumibiyahe sa kabilang lane ng kalsada.
Nasawi ang drayber at mga pasahero ng kotse, hanang sugatan naman ang drayber at apat iba pang pasahero ng van na edad 17 hanggang 19 taong gulang.
Sa ulat, lumabas na nakainom ang drayber at mga sakay nang mangyari ang insidente.
Nahaharap ang drayber sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property and multiple homicides.
Sinabi ni LTO Region 4A Director Elmer Decena na dapat magpaliwanag ang registered owner ng van sa loob ng limang araw kung bakit hindi sila dapat maharap sa administrative liability sa pagpayag sa hindi kwalipikadong drayber na magmaneho ng sasakyan.
Nagbabala ang LTO na kung bigong makapagpapaliwanag ay mauuwi ito sa suspensyon o pagbawi ng rehistro ng sasakyan.
Pagpapaliwanagin din ang drayber kung bakit hindi ito dapat tanggalan ng lisensya.
Hiwalay ang imbestigasyong ito sa anumang criminal case na ihahain ng pulisya.
Ayon sa pulisya, si France, drayber ng van ay nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property and multiple homicides. RNT/JGC