Namataan ng mga lokal na mangingisda ang panibagong mga floating shabu na nagkakahalaga ng P104,720,000 sa dagat na sakop ng Cagayan. DANNY QUERUBIN
MANILA, Philippines – Narekober ng mga awtoridad ang aabot sa ₱500 milyon halaga ng shabu mula sa baybayin ng limang bayan sa Cagayan nitong mga nakaraang araw, ayon sa pulisya.
Ayon kay Police Colonel Mardito Anguluan, hepe ng Cagayan police, ang pinakamalaking narekober ay mula sa Claveria at tinatayang nasa ₱340 milyon ang halaga. Sa Gonzaga naman, umabot ito sa ₱102 milyon.
Noong Hunyo 17, may nakuha ring sako ng shabu sa Santa Ana na may 400 gramo at nagkakahalaga ng ₱2.7 milyon. Sa Sta. Praxedes naman, ₱5.1 milyon ang tinatayang halaga ng nasabat na shabu.
Sa ilalim ng Project SPIES, isang plastic gallon na may marking na “3H1/Y1.8/100/20 CN/C290518” ang natagpuan sa Sitio Mingay, Barangay San Julian, Sta. Praxedes. Pinaniniwalaang may lama itong kemikal na ginagamit sa paggawa ng shabu.
Ipinadala na ito sa PDEA–Cagayan Valley para sa pagsusuri.
“We are pushing for a long-term solution—not just short-term operations—and we can achieve this with the cooperation and support of the people of Cagayan,” ani Anguluan. RNT/JGC