MANILA, Philippines – Naghihintay pa ang House of Representatives sa pinal na desisyon ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa ilang potensyal na miyembro ng ika-20 Kongreso.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, limang upuan pa ang bakante sa Kamara matapos na magdesisyon ang Comelec na kanselahin ang Duterte Youth Partylist na nakatanggap ng sapat na boto para sa tatlong pwesto.
Dagdag pa, sinuspinde rin ang proklamasyon ng mga nanalo sa Marikina at Benguet.
“Yun na lang hinihintay namin, yung tatlong nominees ng Duterte Youth. And then pending pa rin two congressional districts. One is in Marikina… and Comelec is resolving this. So, no congressman has been proclaimed yet in the district. The same in the case of Benguet. We’re still waiting for Comelec to proclaim the winner. So bale lima pa yung pending,” paliwanag ni Velasco sa press briefing nitong Huwebes, Hunyo 19.
Idinagdag pa ni Velasco na may desisyon na rin ang Comelec division na kanselahin ang certificate of candidacy ni Luis Chua Uy, na naunang naiproklama bilang kinatawan ng ika-anim na distrito ng Maynila.
Ayon sa Comelec 2nd Division, si incumbent Representative Bienvenido Abante ang tunay na nanalong kandidato matapos kwestyunin ang pagiging Pilipino ni Uy.
“We’re waiting for the resolution of Comelec. Kailangan kasi en banc ‘yon. The en banc should proclaim the actual winner. And then once we get this proclamation, we can accept Congressman Abante as the duly elected member of Congress in that district,” aniya.
Inamin ni Velasco na nabigyan na ng House certification at welcome kit si Uy.
“The only requirements we have, dalawa lang eh: proclamation from Comelec and oath of office,” paliwanag niya.
Samantala, sinabi rin ni Velasco na kabuuang 317 ang magiging miyembro ng ika-20 Kongreso, kung saan 96 ay mga bagitong mambabatas o first-termers.
Nakaiskedyul silang dumalo sa executive course kung saan tatalakayin ang legislative process at mga patakaran ng Kamara.
Ang unang batch ay magsisimula sa Hunyo 23 hanggang 25, habang ang ikalawang batch ay sa Hulyo 7 hanggang 9. RNT/JGC