MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bibigyan ng buong suporta si “Mak-mak”, isang taong may autism spectrum, matapos siyang bugbugin at pagtulungan sa loob ng pampasaherong bus sa Buendia Avenue, Makati.
Ayon kay Edwin Morata, direktor ng Protective Services Bureau-Crisis Intervention Unit (PSB-CIU), personal na iniutos ni Secretary Rex Gatchalian na tutukan ang naturang kaso.
“Nakatutok ang Central Office dito. Direktiba ni Secretary Rex Gatchalian na bantayan, i-proseso, at bigyan ng karampatang serbisyo ang biktima,” ani Morata sa isang media forum sa DSWD Central Office sa Quezon City.
Sumailalim na si Mak-mak, kasama ang kanyang pamilya, sa psychological evaluation upang matukoy ang mga susunod na hakbang sa kanyang therapy at iba pang pangmatagalang tulong, kabilang ang kabuhayan para sa kanilang pamilya.
Nakatanggap na rin sila ng paunang tulong pinansyal mula sa DSWD Field Office-3.
“Maaaring pumasok to the provision of assistance through AICS para sa therapy o kung kailangan ng gamot, we’ll be covering it,” dagdag ni Morata.
Samantala, naghahanda na ang pamilya ni Mak-mak na magsampa ng kasong kriminal laban sa mga nambugbog.
Ayon kay Atty. Angelo De Alban, abogado ng biktima, magsasampa sila ng kaso sa ilalim ng Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
“This is not just an ordinary case of physical injury. Ipapasok natin s’ya hangga’t maaari sa child abuse dahil may intellectual disability ang biktima,” paliwanag ni De Alban.
Nilinaw rin niya na sakop ng batas ang mga may kapansanan na hindi kayang protektahan ang sarili laban sa pang-aabuso, at hindi nila palalampasin ang insidente.
“Makikipag-coordinate po kami sa prosecutors. Hindi po namin ito i-se-settle kasi hindi lang po iyong biktima ang involved dito, kundi lahat ng may disability,” aniya.
Tatlong suspek na ang natukoy habang pinaghahanap pa ang dalawa pang sangkot. RNT/JGC