MANILA, Philippines – Kusang sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa mga kapwa akusado ni dating House Speaker Martin Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng umano’y P7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno.
Kinilala ang sumuko na si Felicito Cristobal Guevarra, dating presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp., na umano’y ginamit sa paglilipat ng kickback mula sa mga infrastructure project ng pamahalaan patungo sa mga benepisyaryong iniuugnay kay Romualdez.
Ayon sa NBI, maayos at mapayapang isinagawa ang pagsuko ni Guevarra nitong Huwebes ng umaga sa Forbes Park, Makati City.
Sa pamamagitan ng kanyang abogado, ipinaalam ni Guevarra sa NBI ang intensiyon niyang sumuko. Nakipag-ugnayan naman ang ahensya sa kanyang kampo upang ayusin ang oras at lugar ng pagsuko.
Dakong alas-9 ng umaga nagtungo ang mga ahente ng NBI sa Santuario de San Antonio Parish sa McKinley Road. Makalipas ang isang oras, kusang sumailalim sa kustodiya ng NBI si Guevarra sa harap ng kanyang abogado.
Inihatid sa kanya ang arrest warrant na inilabas ng Third Division ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong plunder laban sa kanya, kay Romualdez at iba pang akusado. Nag-ugat ang kaso sa umano’y P7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto sa ilalim ng national budgets mula 2022 hanggang 2025.
Ayon sa NBI, naipasa na nito sa anti-graft court ang return of warrant of arrest at personal na iniharap doon si Guevarra.
Samantala, pinagkalooban ng Office of the Ombudsman si Guevarra ng conditional immunity sa ilalim ng Section 17 ng Republic Act No. 6770 o Ombudsman Act of 1989.
Paliwanag ng Ombudsman, mahalaga ang testimonya at mga rekord ni Guevarra upang matukoy ang katotohanan sa kaso at masundan ang daloy ng pera dahil personal niyang pinangasiwaan ang operasyon ng Samchan.
Nauna nang iginiit ng special panel of investigators ng Ombudsman na may mga direktor ang Samchan na umano’y tumulong sa money laundering at paglilipat ng pondong nagmula sa ilegal na aktibidad.
Ayon din sa Ombudsman, naibalik na ng Samchan sa Bureau of the Treasury ang lahat ng kinita nito mula sa mga kuwestiyonableng transaksyon. RNT/MDS