MANILA, Philippines – Inaasahang aabot sa 60 lugar sa bansa ang makararanas ng heat index na 33 hanggang 41 degrees Celsius sa Sabado, Nobyembre 21, 2026, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Pasok ang mga lugar na ito sa “extreme caution” classification ng ahensya.
Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas ng heat cramps at heat exhaustion ang mga taong malalantad sa matinding init. Posible rin ang heat stroke kapag nagpatuloy ang exposure.
Ang heat index ay tumutukoy sa temperaturang nararamdaman ng katawan kapag pinagsama ang aktuwal na temperatura ng hangin at relative humidity.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na limitahan ang mga aktibidad sa labas at gumamit ng sombrero o payong kapag lalabas.
Pinayuhan din ang lahat na uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration at iwasan ang tsaa, kape, alak at mga carbonated drink. RNT/MDS