MANILA, Philippines – Sinuspinde na ang limang airport police na sangkot umano sa extortion scheme sa mga taxi driver, ayon kay Department of Transportation (DOTr) Vince Dizon.
Inatasan na rin ni Dizon ang Manila International Airport Authority (MIAA) na magsagawa ng imbestigasyon “in line with President Ferdinand Marcos Jr.’s directive to government workers to serve the Filipinos and not to abuse their authority.”
“Paulit-ulit na sinasabi ng Pangulo na dapat hindi natin pinapahirapan ang mga kababayan natin,” sinabi pa ni Secretary Dizon.
“Ipapasuspende na natin itong mga ito. Tapos immediate proceedings na ito for termination.”
Matatandaan na sinabi ng taxi driver na nag-viral kamakailan sa sobrang paniningil sa pasahero, na naniningil ng mas mataas na pamasahe ang mga drayber sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil kailangan nilang ibigay ang 40% ng kanilang kita sa airport police.
“According dun sa kwento ni Felix [Taxihub] ang nagpapatakbo ng raket dito ay yung airport police. Sila ang nagiimpose ng mahal na rate at dun sa mamahaling rate na yun kumukuha sila ng 40-percent kaya ang naghihirap yung mga pasahero natin,” pahayag ni Dizon.
“Pagka hindi ka sumunod at nagcharge ka ng mababa at hindi nagremit nung hinihingi nila, either huhulihin ka o hindi ka papapasukin ng airport,” dagdag pa.
Ani Dizon, ang ganitong mga gawain ay lubhang makakaapekto sa turismo ng bansa. RNT/JGC