NAVOTAS CITY — Isang magandang balita ang sasalubong sa mga mag-aaral ngayong pasukan matapos ihayag ni Navotas Representative Toby Tiangco na magkakaroon ng 50% discount sa lahat ng biyahe ng tren para sa mga estudyante.
“Magandang pabaon po ito para sa ating mga mag-aaral ngayong pasukan,” ani Tiangco. “Isa din itong malinaw na mensahe mula kay Pangulong Bongbong Marcos na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng hakbang para tulungan ang mga mag-aaral at maibsan ang kanilang mga pangangailangan.”
Ayon sa kongresista, malaking ginhawa ito hindi lamang sa mga estudyante kundi maging sa kanilang mga pamilya, dahil mababawasan ang gastusin sa pamasahe at maaaring mailaan ang natipid sa iba pang pangangailangan sa eskwela.
“Your government is here and we are doing everything in our power to minimize the financial burden of Filipino students so they can put all their focus on studying,” dagdag niya.
Paalala sa 20% Discount sa PUVs
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Tiangco ang lahat ng operators at drivers ng public utility vehicles (PUVs) at transport network vehicle services (TNVS) na mahigpit na ipatupad ang 20% student fare discount, alinsunod sa batas.
“The 20 percent student discount on public transportation is not optional and must be granted to all students. Karapatan po ‘yan na hindi dapat ipinagkakait sa ating mga mag-aaral,” diin niya.
Hinimok din ng mambabatas ang publiko, lalo na ang mga estudyante at magulang, na i-report ang mga lumalabag sa LTFRB Citizen’s Complaint Center o LTFRB hotline.
“Makipag-ugnayan lamang po tayo sa LTFRB upang mapanagot ang mga violators,” ani Tiangco.
Batay sa Republic Act No. 11314 o Student Fare Discount Act, ang mga lalabag sa batas ay maaaring pagmultahin ng hanggang P5,000 sa unang paglabag. Sa mga susunod na paglabag, posibleng masuspinde o tuluyang mabawi ang kanilang prangkisa o permit, depende sa dami ng kanilang paglabag.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng tuluy-tuloy na kampanya ng pamahalaan upang suportahan ang edukasyon sa pamamagitan ng pagbawas sa pinansyal na pasanin ng mga estudyante sa kanilang araw-araw na paglalakbay. Jojo Rabulan