Home NATIONWIDE Maraming Pinoy sa Israel tumanggi sa repat

Maraming Pinoy sa Israel tumanggi sa repat

MANILA, Philippines – Sa kabila ng patuloy na kaguluhan, karamihan sa mga Pilipino sa Israel ay tumatangging magpa-repatriate, ayon sa DFA.

Mula sa halos 300 OFWs na nagpalista, 50 lang ang nagpahayag ng interes at 20 lang ang uuwi ngayong linggo. Diretso na silang lilipad mula Israel, imbes na dumaan sa Amman, Jordan.

Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, marami ang nananatili dahil pakiramdam nila ay ligtas na sila matapos ang pansamantalang tigil-putukan. Sa Iran, maraming OFWs ang may pamilyang Iranian kaya’t ayaw nilang umuwi.

May isang Filipina sa Israel na kritikal pa rin matapos ang nakaraang airstrike, pero walang naiulat na bagong sugatan. Mahigit 100 OFWs na nawalan ng bahay ay na-relocate na ng gobyerno ng Israel. Sa Iran, bumabalik na rin sa Tehran ang mga dating lumikas.

Bagama’t handang tumulong ang Philippine Air Force, mas pinipili ang commercial flights dahil limitado ang military transport. Mananatili sa Alert Level 3 ang Israel at Iran dahil sa nananatiling tensyon. Patuloy ang pagbabantay at tulong ng DFA, DMW, at OWWA sa mga Pilipinong nangangailangan. RNT