MANILA, Philippines – Binaligtad ng Commission on Elections (Comelec) ang naunang desisyon ng First Division na nagkakansela sa Certificate of Candidacy (COC) ni Marcelino “Marcy” Teodoro at inalis din ang suspension order sa kanyang proklamasyon.
Nakakuha si Teodoro ng pinakamaraming boto para sa 1st District congressional seat ng lungsod laban kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, ngunit hindi siya naiproklama dahil sa nakabinbing kaso laban sa kanya.
Matatandaan na pinagbigyan ng First Division ang petisyon na kanselahin at/o tanggihan ang COC ni Teodoro para sa 1st congressional district ng lungsod.
Naghain si Teodoro ng Motion for Reconsideration upang baligtarin ang naturang resolusyon.
Ayon kay Pimentel at sa isang si Leighrich Jame, nais nilang kanselahin ang COC ni Teodoro dahil sa umano’y material misrepresentation.
Sa desisyon ng Comelec en banc, nilinaw na nabigo ang mga petitioners na patunayan na may mapanlinlang na layunin o hindi tapat na motibo si Teodoro sa paghahain ng kanyang COC habang nakabinbin pa ang kanyang aplikasyon.
Sinabi ng Comelec na nagsumite si Teodoro ng matibay, kapani-paniwala, at pinatunayang ebidensya upang ipakita na siya ay wastong naninirahan sa Barangay San Roque, 1st District, Marikina City sa loob ng isang taon—isang kinakailangang kwalipikasyon bago ang May 2025 elections.
Dagdag pa ng en banc, nabigong patunayan ng mga petitioner na gumawa si Teodoro ng sinadyang maling interpretasyon tungkol sa kwalipikasyon para sa pampublikong opisina.
Aniya, ang deklarasyon ni Teodoro para sa paninirahan sa kanyang COC ay ginawa nang may mabuting loob, na pinatunayan ng mga rekord at affidavit, at ganap na sumusunod sa mga kinakailangan sa konstitusyon at batas para sa kandidatura bilang Kagawad sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng 1st District ng Marikina City. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)