NAVOTAS CITY — Nagbabala si Navotas City Congressman Toby Tiangco sa publiko kaugnay ng tumataas na kaso ng panlilinlang gamit ang artificial intelligence (AI), kasabay ng panawagan sa lahat na maging mas mapanuri at mapagbantay.
“Nakakalungkot dahil habang umaangat ang ating teknolohiya, nagiging high tech na rin ang mga scammers,” ayon kay Tiangco, na siya ring Chairman ng Committee on Information and Communication Technology sa Kamara.
Partikular niyang binigyang-diin ang paggamit ng AI para gumawa ng pekeng transaction slips, na madalas ipinapadala sa mga indibidwal at negosyo upang lokohin sa pamamagitan ng peke umanong bayad.
“Huwag basta-basta maniwala sa ipinapakitang resibo. Mag-double check, mag-validate, dahil kayang-kaya na ngayong gumawa ng pekeng slip gamit ang AI,” ani Tiangco.
Nagbabala rin ang kongresista sa pagdami ng romance at investment scams kung saan ginagamit ang AI-generated na mukha at boses upang linlangin ang mga biktima—kahit pa sa video calls.
“May mga scam ngayon kung saan may ka-video call ka pa. Akala mo totoo ang kausap mo, pero AI-generated na pala ang mukha at boses. Ginagamit pa ang mukha ng mga kilalang tao para manloko,” dagdag niya.
Pinaalalahanan ni Tiangco ang publiko na huwag agad maniwala sa mga alok na tila sobrang ganda para maging totoo.
“Kung sobrang ganda ng offer, malamang scam na ’yan.”
Sa huli, iginiit ng mambabatas ang pangangailangang maprotektahan ang publiko laban sa mga ganitong uri ng panlilinlang at binalaan ang mga nasa likod nito.
“Itigil na ang ganitong gawain. Sa oras na mahuli kayo, maaari kayong makasuhan sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act at ng Anti-Financial Scamming Act, na may parusang 12 hanggang 20 taon na pagkakakulong.” Jojo Rabulan