MANILA, Philippines- Sinabi ng Quezon City Police District (QCPD) na nakahanda na ang kapulisan para tiyakin ang seguridad ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng mga paaralan sa lungsod ng Quezon at sinabi na aabot na 450 police personnel ang ide-deploy sa iba’t ibang paaralan sa lungsod sa Lunes.
Ito ang sinabi ni PLTCOL. Vicente Bumalay OIC Deputy District Director ng QCPD at tiniyak ang seguridad ng mga mag-aaral na magbabalik-eskwela sa darating na school opening.
Sa ginanap na QC Journalist Forum nitong Martes, binasa ni LTCOL. Bumalay ang pahayag ni QCPD PCOL. Randy Glenn Silvio OIC Deputy District Director at sinabi na nakahanda na ang kapulisan ng QC para tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral na papasok sa paaralan sa Lunes.
Nabatid pa sa QCPD na nakahanda na ang kapulisan upang matiyak ang kaligtasan at kapayapaan ng mga mag-aaral, guro at magulang.
“Sa ngayon naka-deploy na ang 450 police personnel sa may 234 private at public school sa buong Quezon City,” ayon pa kay Bumalay.
Sinabi pa ni Col. Bumalay na naglagay din sila ng 43 police assistance desk sa mga estratihikong lugar sa lungsod malapit sa mga eskwelahan upang matiyak ang presensya ng mga pulis malapit sa mga school.
“Gusto naming ipabatid sa mga magulang, guro, at estudyante na ang kanilang kapulisan ay laging handa at nasa paligid lamang ng mga paaralan upang matiyak na ligtas ang mga estudyante at mga guro sa pagbubukas ng klase,” ayon pa kay Col. Bumalay.
Samantala, kaugnay nito sinabi naman ni Dr. Freddie Avendano, Asst. Supt. ng Dept. of Education na nakahanda na rin ang mga paaralan sa pagbubukas ng eskwela sa Lunes sa inilunsad na Brigada Eskwela.
Sinabi ni Dr. Avendano ang kabilang sa paghahanda ng Brigada Eskwela ay upang makaiwas na rin ang mga estudyante sa sakit na dengue ngayong papalapit na ang tag-ulan.
“Aabot sa 500,000 mga estudyante ang inaasahan papasok sa darating na school opening sa Lunes sa Quezon mula sa private at public school,” ayon pa kay Avendano. Santi Celario