Home NATIONWIDE 529,578 motorista nahuli ng LTO sa 2023

529,578 motorista nahuli ng LTO sa 2023

MANILA, Philippines – AABOT sa 529,578 na motorista ang nahuli ng Land Transportation Office (LTO) noong 2023.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni LTO chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II na ilan sa mga karaniwang paglabag ay sa Clean Air Act o Republic Act (RA) 8749, Seatbelt Law Act o RA 8750 at overloading.

Kaugnay nito may kabuuang 23,614 na sasakyang de-motor din ang na-impound ng LTO noong nakaraang taon, na tumaas ng 47 porsiyento kumpara noong 2022.

Samantala inatasan ni Mendoza ang mga regional director ng LTO na panatilihin ang visibility ng mga LTO enforcer sa mga kalsada at inanunsyo ang pagbili ng mas maraming sasakyan para sa mga traffic enforcer nito.

“Ang pagkakaroon lamang ng ating mga unipormadong tauhan sa mga kalsada ay naghihikayat na sa mga motorista na sumunod sa disiplina. Kaya gusto natin mas paigtingin pa ang presensya ng ating mga tauhan sa kalsada dahil ang pagsunod sa disiplina sa trapiko ay nangangahulugan ng kaligtasan sa kalsada,” ayon sa LTO chief.

Hinikayat niya ang mga motorista na sundin ang mga batas trapiko at iba pang regulasyon sa kaligtasan sa kalsada.

Aniya, magpapatuloy ang ‘no registration, no travel’ policy ng LTO ngayong taon para itulak ang pagpaparehistro ng tinatayang 24.7 milyong hindi rehistradong sasakyan sa bansa.

Ang pagpaparehistro ng sasakyan, aniya, ay mahalaga para sa kaligtasan sa kalsada dahil isa ito sa mga pinakamahusay na paraan upang masuri ang road worthiness ng mga sasakyan.

“As much as possible, ayaw natin na may mahuhuling violators dahil may kasama pa itong multa na dagdag gastos sa ating mga kababayan. Pero kailangan nating paigtingin ang ating kampanya para sa disiplina sa daan dahil nakasalalay dito ang kaligtasan ng lahat (As much as possible, we don’t want to apprehend violators because this comes with penalties which is additional cost to the public. But we Kailangang paigtingin ang ating kampanya para sa disiplina sa kalsada dahil dito nakasalalay ang kaligtasan ng lahat,” ayon dito. Santi Celario