CEBU CITY- Naaagnas at wala nang buhay nang matagpuan ang isang 55-anyos na vlogger sa bulubunduking bahagi sa Talisay City.
Kinilala ang biktimang si Feliciano Mulato, residente ng Sitio Campo 3, Brgy. Jaclupan, Talisay.
Batay sa report ng Talisay City Police station, bandang alas-10 ng umaga noong Abril 10, 2025, natagpuan ang bangkay ng biktima sa bulubunduking bahagi ng Sitio Quadra, Brgy. Lagtang, Talisay City, Cebu.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente, kasama ng biktima ang kaibigan nitong si Bernabie Alegarme, noong Abril 4, 2025 at nagkasundo na sabay mag-vlog sa nabanggit na lugar.
Kwento ni Alegarme, nagkita sila ng biktima bandang alas-2 ng hapon sa lugar at umalis dakong alas-5 ng hapon.
Aniya, habang pababa sila ng bundok ay nakalimutan ng biktima ang kanyang mga damit kaya niyaya siyang bumalik.
“Tumanggi po akong bumalik dahil abutin po kami ng dilim sa daan pag-uwi,” dagdag pa ni Algarme.
Nagpumilit na bumalik sa bundok ang biktima at hindi na ito nakauwi pa hanggang sa makalipas ang ilang araw ay natagpuan na itong patay sa nabanggit na lugar.
Naniniwala naman si Alegarme na nakauwi pa ang biktima sa kanilang bahay dahil nagawa pa nitong makapag-post sa kanyang social media noong araw mismo na iyon.
Samantala, huling nakitang buhay ang biktima noong Abril 6, 2025 sa nasabing bundok.
Nakita naman ang tricycle ng biktima sa kaliwang bahagi ng naturang kalsada.
Isasailalim naman sa otopsiya ang bangkay ng biktima para malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya malaman ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa suspek. Mary Anne Sapico