Home METRO P2.7M marijuana sa Cebu sinira

P2.7M marijuana sa Cebu sinira

CEBU CITY- Umabot sa P2.7 milyong halaga ng mga pananim na marijuana ang sinira ng mga awtoridad matapos salakayin ang dalawang plantasyon sa magkahiwalay na lugar sa lungsod na ito, iniulat kahapon.

Sa isinagawang operasyon ng Mobile Force Company ng Cebu City Police, bandang alas-10 ng umaga ng Biyernes, Abril 11, 2025, nadiskubre ang plantasyon ng marijuana sa bulubunduking bahagi ng Sitio Lupa, Sudlon 2 sa nasabing lungsod.

Naniniwala ang mga awtoridad na maaaring nakatunog ang operator ng plantasyon ng marijuana kaya walang nahuli sa mga ito.

Binunot ng mga awtoridad ang 7,000 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng P1.5 milyon.

Sa Sitio Maraag, Sudlon 2, nadiskubre rin ng mga awtoridad noong Miyerkules ang plantasyon ng 6,000 fully grown at 500 marijuana seedlings na may halagang P1.2 milyon at binunot ang mga ito.

Nagpapasalamat naman ang pulisya sa tulong ng komunidad na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga plantasyon ng marijuana para sa patuloy na pagpuksa laban sa mga ilegal na droga. Mary Anne Sapico