Home METRO 43 inatake ng bubuyog sa Tagum City park

43 inatake ng bubuyog sa Tagum City park

DAVAO DEL NORTE- Isinugod ang 43 katao sa Davao Regional Medical Center matapos silang atakihin ng ng mga katutubong bubuyog sa Energy Park Tagum City, noong Miyerkules ng hapon, Abril 10.

Sa pahayag ng lokal na pamahalaan ng Tagum City, nakalabas na ng ospital ang 39 habang patuloy na nagpapagaling sa ospital ang apat.

Tiniyak naman ng lungsod na bibigyan ng tulong medikal at pinansyal ang mga pamilya ng 43 na inatake ng bubuyog.

Pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang mga mamamayan na hangga’t maaari ay huwag istorbohin ang anumang bahay-pukyutan para maiwasan ang anumang aksidente.

“Hinihikayat namin ang publiko na huwag istorbohin o saktan ang anumang bahay-pukyutan o wildlife na kanilang makakaharap at sa halip ay iulat ito sa mga awtoridad,” anang pamahalaang lungsod.

Isang indibidwal umano ang nang-istorbo sa isang pugad na nag-udyok sa mga bubuyog na umatake.

Ang kuyog ay kontrolado ng mga sinanay na beekeepers mula sa City Agriculture Office sa pamamagitan ng fogging operations.

Balik-normal na rin ang pagpapatakbo sa park pagkatapos ng insidente.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon para malaman ang tunay na dahilan ng pag-atake. Mary Anne Sapico