MANILA, Philippines – Sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa nitong Miyerkules, Mayo 22 na ang bagong mga kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa Pilipinas ay tumaas na may 55 kaso na naitala araw-araw.
”We have about 59,000 people living with HIV… That’s still low for a country with 110 million. But ang ating mataas is new cases, 55 new cases a day, highest in the world. That’s why we need to stop,” sabi ni Herbosa sa press briefing.
Sinabi ni Herbosa na nakipagpulong siya kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte para talakayin ang pangangailangang turuan ang mga kabataan tungkol sa HIV.
Sinabi niya na ang DOH ay tumitingin ng isang programa na magpapahintulot sa mga menor de edad na may HIV na magpagamot sa pahintulot ng isang doktor o tagapag-alaga.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Herbosa na ang antiretroviral treatment ay maaari lamang makuha sa gobyerno at hindi mabibili sa pribadong sektor.
Nauna nang sinabi ni Herbosa na ang ahensya ay pinag-iisipan ang pagbibigay ng regular na serbisyo sa HIV sa mga pasilidad ng pangkalahatang pangunahing pangangalaga.
Makakatulong aniya ito na pamahalaan ang bilang ng mga impeksyon sa HIV sa bansa.
“Better health literacy including age- and culture-appropriate information and commodities for safe sex, routine HIV testing at primary care, and early access to antiretrovirals are clear directions to take,” sabi ng kalihim sa naunang pahayag.
Sa pagbanggit sa datos mula sa HIV & AIDS at antiretroviral therapy (ART) Registry of the Philippines (HARP), sinabi ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ang Pilipinas ng 3,410 bagong kaso ng HIV mula Enero hanggang Marso 2024 na may 82 na naiulat na pagkamatay.
Sa mga kaso ngayong taon, 1,224 ang naitala noong Marso lamang kung saan 12 ang namatay. Ang mga edad ay mula sa wala pang 1 taong gulang hanggang 55 taong gulang na may median na edad na 28 taong gulang. Jocelyn Tabangcura-Domenden