Home OPINION MTPB, DPS MAGIGING ABALA SA MGA PISTAHAN SA MAYNILA

MTPB, DPS MAGIGING ABALA SA MGA PISTAHAN SA MAYNILA

NGAYONG panahon ng tag-araw, panahon din ng pagdiriwang ng kapistahan ng maraming lugar, hindi lamang sa mga lalawigan, kundi maging sa National Capital Region.

Kung sa mga lalawigan ay namumutiktik ngayon sa dami ng mga itinatayong peryahan lalo na sa mga lungsod at munisipalidad na pagdarausan ng kanilang kapistahan, habang sa  Metro Manila ay napakarami namang isinasarang kalsada para pagdausan ng liga ng basketball, volleyball at badminton.

Ang paglalagay kasi ng mga mini-carnival sa mga kapistahan sa kanayunan ay isang tradisyon at kultura ng mga Pinoy na noon pa man ay kinapapanabikan na hindi lamang ng mga bata kundi maging matatanda.

Dito sa kalungsuran, tila naging tradisyon na rin ang pagsasara naman ng mga kalsada para pagdausan ng mga liga ng basketball, volleyball o kahit badminton at kasehodang maperwisyo ang mga motoristang regular na dumadaan sa isinasarang lansangan.

Okay lang naman sana kung gagawin sa tertiary roads o yung mga kalsadang hindi naman maituturing na alternatibong daan at tanging mga naninirahan lang sa lugar ang malimit na nagdaraan.

Siyempre bilang pakikisama sa kanilang lugar, hinahayaan na rin ng mga residente ang pansamantalang pagsasara ng kalye kapag may laro na  karaniwang idinaraos sa gabi para walang matinding init o sikat ng araw.

Kaya lang, maraming mga secondary road tulad na lang sa T. Mapua St. malapit sa Tayuman na alternatibong daan kapag masikip ang daloy ng trapiko sa Rizal Avenue na isinara para pagdausan ng liga ng basketball.

Marami pang mga secondary road ang isinasara ngayon para pagdausan ng liga na sa tingin ng maraming motorista ay hindi makatarungan dahil ang kalsada ay nakalaan sa motorista at hindi para gawing court o laruan.

Tiyak na maraming trabaho ngayong panahon ng kapistahan ang Manila Traffic at Parking Bureau  pati na ang Department of Public Service  na mabilis namang kumilos kapag nakatanggap ng reklamo hinggil sa isinasarang busy streets.