Home OPINION PHILIPPINE EAGLE “MAGAYON”, IKA-APAT NA BIKTIMA NG PAMAMARIL NGAYONG 2024

PHILIPPINE EAGLE “MAGAYON”, IKA-APAT NA BIKTIMA NG PAMAMARIL NGAYONG 2024

256
0

MALUNGKOT na balita! kinumpirma ng PEF o  Philippine Eag­le Foundation na ang Philippine Eagle na si “Magayon”, isang la­laking agila, ay namatay sanhi ng pagkaubos ng dugo sa ti­namo nitong sugat sa kaliwang pakpak, dulot ng pamamaril na nangyari nitong July 10, 2024.

Ayon sa PEF, natagpuan ng mga nagpapatrol na Philippine Army si Magayon na nanghihina sa Barangay Mangayon, Compostela, Davao de Oro. Nang madala ito sa sanktuwaryo ay dilat na ang mga mata dala marahil ng impeksyon sa tinamong sugat at nagawa pa nitong magsuka.

Sa isinagawang necropsy, napag-alaman na malusog na agila si Magayon, nakakahinayang dahil ang mga lamang loob ay nasa maayos na kondisyon.

Si Magayon ang ika-apat na biktima ng pamamaril ngayong 2024. Nauna nang binaril ang mga Philippine Eagles na sina Lipadas sa Mt. Apo, Kalatungan sa Bukidnon at Nariha Kabugao sa Apayao.

Dagdag pa ng PEF, simula 2020, nasa 20 na agila na ang nababaril sa buong bansa o lima sa bawat taon, at nababahala rito ang organisasyon.

Ang Philippine Eagle (Pithecophaga jefferyi) ay kabilang sa pamilyang Accipitridae na endemic o tanging dito lamang sa Pilipinas matatagpuan. Ito ay kulay brown at cream, may sukat na 2.82 feet hanggang 3.35 feet, may timbang na 4.7 kilograms hanggang 8 kgs at lumilipad sa taas na 5,900 feet. Ito ay nabi­bilang sa mga “rarest, largest and most powerful birds in the world”.

Kinikilala ang Philippine eagle bilang isa sa pinakamalaking agila sa buong mundo, pero itinuturing ng IUCN o International Union for the Conservation of Nature at ng Birdie International ang Philippine Eagle bilang isang ‘critically endangered’ o lubhang nanganganib na maubos.

Tinatayang mayroon na lamang 180 hanggang 500 ang bi­lang ng ibong ito sa ating himpapawirin sanhi ng mabilis na pagkakalbo ng ating mga kagubatan, pagmimina, polusyon buhat sa mga mabagsik na pestisidyo, ilegal na panghuhuli, at pagbaril sa mga ito.

Bagama’t nandiyan na ang Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources, Protection and Conservation Act, na nagbibigay proteksyon sa Philippine Eagles pero may mga sumusuway pa rin sa batas.

Kaya nananawagan ang PEF sa Kongreso sa pagbuo ng mas mahigpit pang batas na magseseguro sa kaligtasan at pagdami pa ng  nanganganib na mga agila.

Sang-ayon sa Presidential Proclamation No. 615 (1995, Pa­ngulong Fidel V. Ramos) kinilala ang Philippine Eagle bilang siyang pambansang ibon kahalili ng maya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here