LUCENA CITY- Para maiwasan ang pagkalat ng African swine fever (ASF) o sakit na dumadapo lalo pang pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Calauag pagpasok at paglabas ng mga hayop na walang kaukulang dokumento sa probinsya ng Quezon.
Ito’y matapos maharang ang 59 biik sakay ng L300 van at walang kaukulang dokumento noong Linggo sa nasabing bayan.
Sa report ng Quezon Police Provincial Office, bandang alas-9:45 ng gabi, dumaan sa kahabaan ng Maharlika Highway, sakop ng Barangay Sumulong, ang isang L300 van na minamaneho ng isang “John” karga ang 59 biik.
Katuwang ang mga tauhan ng Municipal Agriculture, pinahinto ang van at hiningan ng mga kaukulang papeles si John sa mga karga nitong biik subalit bigo itong maipakita na dadalhin niya sana sa bayan ng Candelaria.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag si John sa kautusan ng Department of Agriculture Administrative Order No.5, na ipinatupad noong 2019 na nagtatakda ng mga alituntunin para sa lokal na transportasyon ng mga hayop, produkto ng hayop, at mga by-product upang protektahan ang kalusugan ng publiko at labanan ang mga banta sa kalusugan ng hayop.
Ang mga regulasyon ay mahigpit na ipinatutupad para sa pagkuha ng mga permit sa transportasyon at nagtatakda ng mga espesyal na kinakailangan para sa mga partikular na hayop at produkto. Mary Anne Sapico