Home OPINION BALIMBING, SIRAAN, PATAYAN SA HALALANG 2025

BALIMBING, SIRAAN, PATAYAN SA HALALANG 2025

KABILANG sa mga natatanging mukha ng pulitika ng Pilipinas ang pagbabalimbing, sobrang siraan sa isa’t isa hanggang sa may magpatayan na lang.

Bago pa ang anunsyo ni Manang Imee Marcos na buo na ang mga kandidatong pang-senador ng administrasyong Marcos, may mga bumalimbing nang mga kandidato at tangay ang kani-kanilang partido sa pagbalimbing.

Pangunahing dahilan nang pagbalimbing ang kasiguruhan ng pondo na makukuha ng bawat kandidato para sa kanilang kampanya.

Kapag kinapos ka kasi ng pondo, gudbay na ang kampanya at pagsungkit sa posisyong inaasam-asam.

Lalo’t maraming botante ang bumuboto lang sa mga nakapagbibigay sa kanila ng pakinabang at hindi sa mga pangakong magaganda.

Kasi naman, karaniwang napapako ang pangako, kahit gaano kaganda ang mga ito.

Sa pambansang pulitika, normal na sa kalagitnaan ng isang administrasyong may 6 taong termino, bumabalimbing ang marami patungo sa nakaupong Pangulo ngunit pagsapit ng bagong halalang presidensyal na inutil na ang nakaupong Pangulo, doon na sa may tsansang mananalo, babalimbing na naman ang mga kandidato at kanilang partido.

May malaking pondong naiipon ang kandidatong Presidente na inaasahang mananalo sa bagong halalan at karaniwang nanggagaling ang pondo sa malalaking negosyante at dayuhan, bagaman sikreto, na inaasahang makikinabang sa bagong administrasyon.

At ang malaking pondo ang siyang pambili naman niya ng mga balimbing na politiko.

Ngayon naman, kalakip ng pagbabalimbing ang matinding siraan sa isa’t isa at pagkatapos ng halalan, nagpo-forgive and forget na lang sila.

May mga nagsasampa naman ng mga kaso pero karaniwang nagpapatawaran at nagkakalimutan na lang sila sa ngalan ng mapayapang pamamahala kuno.

Pagdating nang susunod na halalan, andiyan na naman ang mga siraan.

Pero pinakamatindi ang patayan bilang anyo ng siraan.

At hala-halalang nagaganap ito at sa katunayan, may pinatay nang isang kapitan na gustong maging vice mayor sa halalang 2025.