Home NATIONWIDE Paglilitis kina Duque, Lao sa P41.46B DOH funds sinimulan ng Sandiganbayan

Paglilitis kina Duque, Lao sa P41.46B DOH funds sinimulan ng Sandiganbayan

1
0

MANILA, Philippines – Sinimulan nitong Lunes, June 8, ng Sandiganbayan First Division ang paglilitis kina dating Health Secretary Francisco Duque III at dating DBM Undersecretary Christopher Lao kaugnay ng graft charges na may kinalaman sa umano’y iregular na paglilipat ng ₱41.46 bilyon DOH funds para sa Covid-19 supplies at equipment.

Ang kaso ay tumutukoy sa 2020 transfer ng pondo ng Department of Health (DOH) sa Procurement Service ng DBM (PS-DBM) para sa pagbili ng PPEs, test kits, ventilators, at iba pang Covid-19 supplies.

Sa pagdinig, sinabi ng prosekusyon na magpapatuloy sila sa paglagda ng pre-trial order (PTO) ngunit may “reservations” dahil sa mga hindi pa nareresolbang isyu.

Ayon sa prosekusyon, balak nilang maghain ng second motion for reconsideration dahil umano hindi naisama sa June 3 resolution ng korte ang usapin ng delay at non-delivery ng mga biniling supply, na mahalaga sa kanilang kaso.

Pinayagan ni Sandiganbayan First Division Chairperson Associate Justice Maria Theresa Mendoza-Arcega ang paghahain ng mosyon at binigyan din ng pagkakataon ang depensa na magpahayag ng sagot.

Matapos ito, ipinresenta ng prosekusyon ang unang testigo na si Assumption Ingrid Reyes, Director III ng Senate Legislative Records and Archives, na nagdala ng mga dokumentong isinumite sa Senate Blue Ribbon Committee.

Ayon sa prosekusyon, may hindi bababa sa 60 testigo silang ipiprisenta sa paglilitis.

Noong Mayo 2024, naglabas ng desisyon ang Office of the Ombudsman na may probable cause para kasuhan sina Duque at Lao ng graft kaugnay ng umano’y ilegal na paglilipat ng ₱41.46B pondo noong 2020.

Batay sa COA audit report, ang DOH ay naglipat ng pondo sa PS-DBM nang walang kinakailangang memorandum of agreement at certificates of liquidation.

Napuna rin ng Ombudsman ang ₱1.66 bilyong service fee na ibinayad sa PS-DBM kahit may sarili namang procurement unit ang DOH. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here