BAGAMAN nanalong alkalde, marami-rami pa rin sa mga taga-Maynila ang hindi nakakikilala sa pagkatao ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan.
Marami-rami sa mga ito ay inaakalang masungit, suplada at mahirap lapitan ang unang babaeng alkalde ng Maynila. Dahil ito sa kapag tiningnan mo siya ay may pagiging sopistikada.
Pero ang totoo, maraming natutulungan si Lacuna-Pangan na hindi naman niya ipinamamalita o ibinobrodkas.
Isang halimbawa ay bukod sa pamamahagi niya ng mga gamot sa mga lugar ng Maynila kung nasaan ang totoong mahihirap ay nagbibigay siya ng tulong sa mga nangangailan lalo na para sa pagpapagamot.
May mga kakilala ang inyong Juan de Sabog na pawang pinabigyan ng salapi ni Mayora upang magamit nila sa kanilang sakit. Subalit hindi naman ito ipinangangalandakan ng babaeng alkalde.
At ang mga nabigyan pa niya ng tulong ay iyong mga hindi pa naman naniniwala sa kanya o sa madaling salita ay hindi naman siya ang ibinoto noong halalan.
Pero para kay Mayora Honey, hindi importante kung siya o hindi siya ang ibinoto noong halalan basta ang mahalaga ay siya na ang itinuturing na alkalde. Kasi nga sabi niya, hindi naman lalapit ang mga iyon sa kanya upang humingi ng tulong kung hindi naman siya kinikilala.
Sabi nga ng mga natulungan ng kasalukuyang “Ina ng Maynila” hindi na sila magdadalawang isip na pumili pa sa darating na halalan kung sino ang isusulat nila sa balota dahil sigurado sila kung sino ang totoong may malasakit sa mga Manileño.
Bukod pa sa sinasabi nilang para sa kanila, ang totoong pagtulong ay hindi na dapat ilagay pa sa mga pahayagan, ibroadcast sa radio at telebisyon subalit kailangang bukal sa puso ng tumutulong.
Pero hindi ko sinasabing hindi bukal sa puso ang ginagawang tulong ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso dahil ibinobrodkas pa niya ito. Ang sinasabi ko lang, at uulitin ko, ang pagtulong ni Mayora Lacuna sa mga nangangailangan ay hindi na niya ipinamamalita pa. Pwede bang sabihin na hindi naman inoobliga nito ang mamamayan na kilalanin ang tulong na ipinamamahagi niya?
Kaya sino ngayon ang pipiliin ng mga taga-Maynila?