INIHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na walang extension para sa Oktubre 15 na deadline para sa mga manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na boluntaryong maghain para sa downgrading ng kanilang mga visa.
Ang naturang pahayag ay kinumpirma ni BI OIC Commissioner Joel Anthony Viado at mga opisyal mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), kasama ang mga kinatawan ng mga kumpanya ng POGO.
Ang pag-downgrade ng visa ay nagpapahintulot sa mga dayuhang mamamayan na ibalik ang kanilang katayuan mula sa isang work visa sa isang pansamantalang visitor visa, sa gayon ay nagbibigay-daan sa kanila na manatiling legal sa Pilipinas sa loob ng 59 na araw habang pinapatigil ang kanilang mga gawain.
Nabatid na ang 59 araw pagkatapos ng Oktubre 15, ani Viado, ay kasabay ng direktiba ng Pangulo para sa mga dayuhang manggagawa ng POGO na umalis sa pagtatapos ng taon.
Sinabi ni Viado na nakatuon ang BI na pabilisin ang proseso ng pag-downgrade para sa mga empleyado ng POGO.
Bilang bahagi ng pinagsama-samang pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang pagsasara ng mga operasyon ng POGO, ang BI, kasama ang Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of the Interior and Local Government (DILG), PAGCOR, Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ay bumuo ng interagency task force sa pagsasara ng mga POGO.
Ang BI, kasama ang PAGCOR, ay nagsagawa ng briefing noong Setyembre 30 kasama ang mga kinatawan ng mga kumpanya ng POGO.
“During the briefing, the BI said that it may conduct implementation days for POGO companies, where we will implement their downgraded visa status and issue exit clearances on-the-spot,” ani Viado.
Idinagdag pa ni Viado na ang mga kinatawan ng DOLE ay dadalo din sa mga araw ng serbisyo para tanggapin ang mga sumukong Alien Employment Permit mula sa mga manggagawa ng POGO.
Binigyang-diin ng BI na pinasimple ang mga pamamaraan para sa pag-downgrade ng visa, na walang dahilan para ipagpaliban ng mga dayuhang manggagawa ng POGO ang pagsunod dito.
Babala pa ng BI, ang mga manggagawang hindi makaalis ng bansa pagsapit ng Disyembre 31, 2024, ay mahaharap sa mga paglilitis sa deportasyon at mai-blacklist upang hindi na sila makabalik ng Pilipinas. Jay Reyes