Aabot sa 5 milyong manggagawa sa Pilipinas ang nanganganib mawalan ng trabaho ngayong taon dahil sa artificial intelligence (AI) at mga epekto ng climate change, ayon sa Federation of Free Workers (FFW).
Batay sa projection ng International Monetary Fund (IMF), 14% ng kabuuang workforce sa bansa ang may panganib na mapalitan ng AI, habang 2.3 milyon na trabaho ang inaasahang mawawala dahil sa mga epekto ng mga bagyo sa 2024.
Ayon sa ulat ng IMF na may petsang Disyembre 2024, natuklasan na 36% ng mga trabaho sa Pilipinas ay mataas ang exposure sa AI, at higit sa kalahati ay “highly complementary,” kung saan ang AI ay maaaring tumulong ngunit hindi kayang palitan ang mga gawain ng manggagawa.
Gayunpaman, para sa mga “low-complementarity jobs,” 14% ng workforce ang nanganganib na mapalitan ng AI.
Binanggit din ng ulat na may pagkakaiba ang exposure sa AI batay sa kasarian, kung saan kalahati ng mga trabaho na hawak ng kababaihan ay highly exposed, kumpara sa isang-kapat lamang ng mga trabaho na hawak ng kalalakihan.
Sinabi ni Julius Cainglet, FFW Vice President for Research, Advocacy, and Partnerships, na ang mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo, lalo na sa sektor ng agrikultura, ay posibleng muling maapektuhan.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng maagap na mga hakbang at mas malakas na pakikipag-ugnayan sa mga employer sa pamamagitan ng social dialogue upang maghanda sa mga hamon, kabilang na ang heat stress na inaasahan sa mga susunod na buwan. RNT