MANILA, Philippines – Dumating na sa Pilipinas nitong Huwebes, Enero 18, ang mga labi ng overseas Filipino worker (OFW) na si Jenny Alvarado matapos ang imbestigasyon sa maling paghahatid ng kanyang cadaver sa pamilya noong Enero 10.
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na dumating ang mga labi ni Alvarado sa pamamagitan ng Kuwait Airways flight KU 417 at tinanggap ito nina DMW Undersecretary Felicitas Bay, DMW Secretary Hans Leo Cacdac, ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ang pamilya ni Alvarado.
Nais ng pamilya ng OFW na isagawa ang autopsy sa mga labi, at nagsabing nagbigay ang DMW ng tulong pinansyal at iba pang suporta.
Nakipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Kuwait upang imbestigahan ang sanhi ng pagkamatay ni Alvarado, kasama ang dalawang iba pang foreign workers na pumanaw dahil sa coal suffocation mula sa heating system sa kanilang pinagtatrabahuhang lugar.
Binanggit ni Cacdac na naghahanda sila ng mga legal na hakbang laban sa mga responsable sa pagpapadala ng maling cadaver ni Alvarado.
Ang maling cadaver ay naibalik na sa Kuwait, at hinihintay pa ang resulta ng police at autopsy investigation. RNT