Home METRO Ambulansyang may sakay na nagsakit-sakitan, huli sa EDSA busway

Ambulansyang may sakay na nagsakit-sakitan, huli sa EDSA busway

(c) Danny Querubin/Remate News Central

MANILA, Philippines – Hinuli ng mga awtoridad ang isang ambulansya na may sakay na pekeng pasyente para makalusot sa EDSA Busway nitong Huwebes.

Kabilang din sa mga nahuli ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAIC) ang isang pulis na sakay ng motorsiklo at ilang motor taxi na may pasahero sa EDSA Busway Ortigas Station.

Nagsimula ang operasyon ng SAIC bandang alas-6 ng umaga, at halos 20 motorista ang nahuling lumabag sa loob ng dalawang oras.

Ayon sa ilang motorista, napilitan silang dumaan sa bus lane dahil sa matinding traffic. Isang ambulance driver ang nagsabing nagmamadali dahil sa emergency sa kanilang barangay, habang isa pang motorista ang umamin na hinahabol ang oras.

Karamihan sa mga nahuli ay motorcycle riders, kabilang ang isa na nadiskubreng expired ang rehistro ng motorsiklo, na nagresulta sa karagdagang multa.

Ang multa para sa mga hindi awtorisadong dumaan sa EDSA Busway ay nasa ₱5,000 hanggang ₱30,000, at maaaring ma-revoke ang lisensya ng mga lumabag. RNT