MANILA, Philippines – Arestado ang anim na lalaki matapos masangkot sa tatlong magkakahiwalay na insidente ng umano’y water pilferage sa Baseco, Maynila.
Ayon sa Manila Police District, apektado ng illegal connections ang mga lehitimong consumer sa komunidad, kung saan nakaranas ang ilang residente ng mahinang water pressure at hindi maaasahang suplay ng tubig dahil sa illegal connections na ikinabit ng mga suspek sa main water pipelines.
Inaresto ng pulisya at barangay officials ang anim na lalaki sa tatlong magkakahiwalay na operasyon noong Nobyembre 3 at Nobyembre 5.
Ayon sa mga awtoridad, pumapasok ang mga suspek sa manholes ng barangay at gumagapang sa drainage system upang marating ang main water pipelines.
Bubutasin nila ang mga ito at kakabitan ng mas maliliit na tubo para suplayan ang kanilang mga umano’y kliyente.
Naniningil umano ang mga suspek ng P5,000 hanggang P10,000 para sa bawat illegal connection.
Ang mga butas sa main pipelines ay nagdudulot ng tagas, na nagpapababa sa pressure at suplay para sa mga nagbabayad ng buwanang water bill.
Sinabi ni Baseco Police Station Commander PLt. Col. Rommel Anicete na nagsagawa sila ng operasyon matapos ipaalam ng Maynilad ang pinsala sa main pipelines sa lugar.
Nagsagawa na rin umano sila ng malaking operasyon laban sa illegal connections noong 2025, ngunit muling lumitaw ang kaparehong insidente ngayong 2026.
Nakumpiska sa mga suspek ang mga kagamitang pinaniniwalaang ginamit sa illegal installations, kabilang ang pipe cutters, hammers, at compressor. Nakumpiska rin ang isang pen gun, pillbox bomb, airsoft pistol, at iba pang armas.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Maynilad at barangay officials para sa pagsasampa ng kaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden