MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na balik bansa na ang anim na biktima ng human trafficking na na-recruit para magtrabaho sa mga scam hub sa Myanmar noong Abril 4.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang pinakahuling batch ng mga repatriations ay kinabibilangan ng apat na lalaki at dalawang babae na pawang umalis bilang mga turista noong 2023.
Ikinalungkot ni Tansingco na sa kabila ng maraming babala tungkol sa paglaganap ng nasabing scam, marami pa ring Pilipino ang nagtangkang makipagsapalaran upang iligal na magtrabaho sa nasabing rehiyon.
Matatandaan na unang nag-alarma ang BI sa nasabing modus noong 2022. Kamakailan ay nagbabala ang Interpol hinggil sa mga gang at scammers sa Southeast Asia na sangkot sa online romance scam centers, marami sa mga manggagawa nito ay biktima ng trafficking mula sa Pilipinas.
“Many countries have already agreed that this is a growing crisis,” ani Tansingco. “Yet some Filipinos insist on departing as tourist to try out work offers they receive online, only to be duped into working in these scam hubs,” dagdag pa ng opisyal.
Ang anim na biktima ay iniulat na nakatanggap ng maliit o walang suweldo, at sumailalim sa pisikal at sikolohikal na pang-aabuso.
“Stop risking your life for these too good to be true job offers,” babala ni Tansingco. “Many have already suffered, do not let yourself be the next victim,” giit pa ng opisyal. JAY Reyes