MANILA, Philippines – Inamin ni dating Duterte na nasa 6 hanggang 7 kriminal ang kanyang napatay nang ito ay Mayor ng Davao City.
Sa pagtatanong ni Gabriela Partylist Rep Arlene Brosas kay Duterte sa pagpapatuloy ng House QuadComm hearing kung ito ay nakapatay na, tugon naman ni Duterte na marami na.
“Ako? Marami. Mga 6 o 7. Hindi ko na-follow up sa hospital kung natuluyan. Nagdasal po ako na magmo-motor ako na may mag-hold-upper diyan. At kung mahuli kita, talagang patayin kita. Wala akong pasensya sa kriminal,” anang dating pangulo.
Sinabi ni Brosas na sa pag-amin ni Duterte sa extra judicial killings ay inaako rin ba nito ang full responsibility, sagot ni Duterte na nanindigan ito na sya ang mananagot sa batas sa kanyang naging kautusan sa war on drugs.
“I and I alone take full legal responsibility sa lahat na nagawa ng mga police pursuant to my order. Ako ang managot. At ako ang makulong, huwag ‘yung pulis na sumunod sa order ko,” ani Duterte.
“If you are the city executive or mayor, lahat ng utos mo na ginawa ng police and all the consequences, sagot ko ‘yan. Pati ang ginawa ng police, sagot ko ‘yan,” pagtatapos pa ni Duterte.
Samantala, sinabi ni Laguna Rep. Dan Fernandez, Co-Chairman ng QuadComm na kung sagot ni Duterte ang mga pulis sa war on drugs ay bakit nasa 195 pulis ang nadismiss sa kanilang trabaho, nasira ang carreer at nabahiran ang kanilang pangalan dahil sa kampanya laban sa droga.
Iginiit ni Duterte na hindi nIya alam na ganun karami ang mga pulis na nadismiss dahil sa kanyang war on drugs, aniya, kung alam nya ang datos na ito ay kanyang natulungan ang pulis na nasangkot.
Sinabi ni Duterte na may mga pulis na nadamay sa war on drugs ang kanyang natulungan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tulong gaya ng pera, bigas at scholarship sa mga anak.
Matapos marinig na may mga pulis na nadismiss sa war on drugs, sinabi ni Duterte na magsisimula sya ng pangongolekta ng pondo para sa mga pulis.
“I will start a fund sa protection ng mga pulis. I am putting up P1 million. Maghahanap ako. Meron akong P1 million. I will start, I will raise a fund para tulungan ‘yung mga pulis,” ani Duterte.
Batay sa report na ipinadala ni PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil sa QuadComm sinabi nito na walang opisyal na rekord ang PNP na magpapakita na nagkaroon ng copmmitment si Duterte sa mga pulis.
Ani Marbil nasa 1,286 pulis ang naapektuhan sa line of duty sa war on drugs, 312 ang namatay, 974 ang sugatan at 214 nahaharap sa ibat ibang criminal cases sa pagitan ng July 2016 hanggang June 2022.
Sa tanong kung bakit ngayon lamang magbibigay ng pondo para sa mga nasibak na pulis, sinabi ni Duterte na maaaring may dahilan sa kanilang pagsibak sa pwesto maliban sa war on drugs.
“Maraming nag kakamali and there must be a reason for their dismissal. There cannot be a dismissal without a lawful ground. Kung napaalis ‘yan, sir, meron talagang kasalanan,” pagtatapos pa ni Duterte. Gail Mendoza