Home NATIONWIDE Baril ng kongresista ginamit pagpatay sa kagawad sa Iloilo

Baril ng kongresista ginamit pagpatay sa kagawad sa Iloilo

ILOILO CITY – POSIBLENG makasuhan ang mambabatas na may-ari ng baril na ginamit ng suspek sa pagpatay sa barangay kagawad kamakailan sa lungsod na ito.

Sa ginanap na press conference kahapon (Nobyembre 12, 2024) kinumpirma ni Iloilo Police Provincial Office Director Police Colonel Bayani Razalan, na nakarehistro kay AAMBIS-OWWA Party-list Representative Atty. Lex Colada ang baril na ginamit ng suspek na si JR Castro sa pagpatay kay San Rafael Tigbauan Kagawad Joevanie Triste noong Oktubre 24.

Sinabi ni Razalan, lumabas sa verification ang serial number ng Rock Island caliber .45 na nakarehistro kay Colada.

Agad naman inimbitahan si Colada sa Regional Civil Security Unit 6 para ipaliwanag kung paano napunta kay Castro ang baril nito.

Inamin naman ni Colada na nakapangalan sa kanya ang baril pero hindi pa nito ipaliwanag kung paano napunta sa gunman ang kanyang baril.

Aniya, nakapangalan sa kanya ang baril noong nagtatrabaho pa siya sa isang bar bilang security.

Tiniyak naman ni Razalan na gagawin nila ang tama para managot ang mga sangkot sa naturang krimen at sampahan ng kaukulang kaso.

Matatandaan na binaril-patay ni Castro si Triste noong Oktubre 24, 2024 dahil sa galit.

Nakakulong ngayon si Castro sa lock-up cell ng IPPO at nahaharap sa kasong murder./Mary Anne Sapico