Home METRO 6 indibidwal tiklo sa Taguig police ops

6 indibidwal tiklo sa Taguig police ops

MANILA, Philippines – Sa pagsasagawa ng routine foot patrol ng mga tauhan ng Taguig police Sub-Station 10 ay naaktuhang nagsusugal ng cara y cruz ang anim na indibidwal na nagdulot ng kanilang pagkakaaresto Linggo ng umaga, Pebrero 9.

Kinilala ni Taguig City police chief Joey Goforth ang mga nadakip na suspects na sina alyas Glendolf, 26, construction worker; alyas Anjo, 26, nursing attendant; alyas Ronnie, 27; alyas Elmer, 37; alyas Arjay, 31; at isang alyas Myra, 37.

Base sa isinumiteng report ni Goforth sa Southern Police District (SPD), nasakote ng mga miyembro ng Sub-Station 10 ang mga suspects habang naglalaro ng cara y cruz dakong alas 10:30 ng umaga sa Floraville Street, Barangay Rizal, Taguig City.

Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspects ang ₱700 na pinagpupustahang pera, at tatlong mamiso na ginagamit bilang pangara sa kanilang pagsusugal.

Bukod sa pera at pangara ay nakumpiskahan naman ng isang kalibre .38 rebolber na kargado ng limang bala si alyas Glendolf.

Limang sachets na naglalaman ng may kabuuang 30.8 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱209,440 ang nakumpiska din sa mga suspects kung saan ang 6.63 gramo ay nakuha kay alyas Glendolf (₱45,084.00); 7.73 gramo kay alyas Ronnie (₱52,564.00); 1.23 gramo (₱8,800.00) kay alyas Elmer; 7 gramo kay alyas Myra (₱48,280.00); at 8.19 gramo (₱55,692.00) naman ang nakumpiska sa posesyon ni alyas Arjay.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (Illegal Gambling) at Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspects habang karagdagang kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isasampa laban kay alyas Glendolf sa Taguig City Prosecutor’s Office.

“This operation is a testament to our relentless efforts in combating crime and ensuring public safety. We will continue to intensify our campaigns against illegal drugs, loose firearms, and other criminal activities that threaten peace and order in our communities,” ani SPD director PBGEN Manuel Abrugena. James I. Catapusan