MANILA, Philippines – Hindi maituturing na awtomatikong nagbitiw sa pwesto ang mga opisyal at direktor ng mga electric cooperative na naghain ng kanilang mga certificate of candidacy (COC) para sa lokal at pambansang halalan.
Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao, pinawalang-bisa ng KorteSuprema ang Section 2 ng National Electrification Administration (NEA) Memorandum No. 2012-2016, kung saan itinuturing ang mga opisyal ng electric cooperative na nagbitiw sa pwesto sa paghahain ng kanilang mga COC.
Ayon sa Korte, labag ito sa Omnibus Election Code at sa NEA Charter.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang awtomatikong pagbibitiw sa paghahain ng COC ay para lamang sa inappoint sa pampublikong posisyon, kabilang ang mga aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines at mga opisyal at miyembro ng government-owned or controlled corporations (GOCCs).
Nilinaw ng Korte na ang mga electric cooperative ay mga pribadong organisasyon na nagbibigay serbisyo sa publiko bilang mga electric distribution utility. Ang mga opisyal ng electric cooperative ay nananatiling pribadong indibidwal sa kabila ng pampublikong katangian ng kanilang tungkulin.
Dagdag pa ng Korte, ang tanging pribadong indibidwal na itinuturing na nagbitiw sa puwesto sa paghahain ng kanilang COC ay mga mass media columnist, commentator, announcer, reporter, at on-air personality kung ito ang patakaran ng kanilang mga employer. TERESA TAVARES