Home OPINION HANDA BA TAYO SA PAGDATING NG MALAKAS NA LINDOL?

HANDA BA TAYO SA PAGDATING NG MALAKAS NA LINDOL?

3
0

MULING ipinakita ng malakas na 7.8 magnitude na lindol sa Mindanao ang kahalagahan ng paghahanda sa kahalintulad nitong sakuna na hindi inaasahan.

Sa loob lamang kasi ng ilang segundo, maaaring magdulot ito ng pagkasira ng mga tahanan, pagkawala ng kabuhayan, at panganib sa buhay ng maraming tao kaya napakahalaga na maging bahagi ng ating pang-araw-araw na pamumuhay ang paghahanda sa sakuna.

Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang madalas tamaan ng lindol dahil sa lokasyon nito sa Pacific Ring of Fire. Hindi natin kayang hulaan kung kailan magaganap ang susunod na malakas na lindol, kaya’t hindi dapat maging kampante ang sinoman.

Ang pagiging handa ay hindi lamang para sa mga lugar na madalas tamaan ng sakuna kundi para sa lahat ng komunidad sa bansa.

Isa sa pinakamahalagang hakbang ay ang pagkakaroon ng plano sa loob ng tahanan. Dapat alam ng bawat miyembro ng pamilya ang tamang gagawin kapag lumilindol, kung saan pupunta pagkatapos ng pagyanig, at kung paano magkikita kung sakaling magkahiwalay.

Makabubuti rin ang pagkakaroon ng emergency kit na may sapat na pagkain, tubig, gamot, flashlight, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Mahalaga rin ang regular na pagsasanay at pakikilahok sa mga earthquake drill tulad ng simpleng pag-alam sa wastong paraan ng “Duck, Cover and Hold” na maaaring makapagligtas ng buhay. Ang kaalaman at mabilis na pagresponde sa oras ng panganib ay kasinghalaga ng anomang kagamitan sa panahon ng sakuna.

Laging tandaan na hindi dapat manaig ang takot sa tuwing may balita tungkol sa lindol at sa halip, gawin natin itong paalala upang suriin kung handa ba ang ating pamilya, paaralan, opisina, at komunidad. Ang bawat paghahandang ginagawa ngayon ay maaaring maging susi sa pagligtas ng buhay sa hinaharap.

Sa huli, hindi natin mapipigilan ang paggalaw ng kalikasan, ngunit maaari nating paghandaan ang epekto nito dahil ang tunay na sukatan ng katatagan ng isang komunidad ay hindi lamang kung paano ito bumangon pagkatapos ng sakuna, kundi kung gaano ito kahanda bago pa man dumating ang panganib.

Basta’t ang laging tandaan, ang kahandaan, pagiging kalma lamang at hindi takot, ang dapat nating pairalin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here