Home OPINION BUONG CENTRALIZATION NG AEP PROCESSING SA MGA DAYUHANG OBRERO INIUTOS NI TOLENTINO

BUONG CENTRALIZATION NG AEP PROCESSING SA MGA DAYUHANG OBRERO INIUTOS NI TOLENTINO

2
0

MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng pagpapalakas sa pa­ngangasiwa sa mga dayuhang manggagawa sa bansa, ipinag-utos ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis N. Tolentino ang malawakang sentralisasyon sa pagpoproseso, ebalwasyon, at pagpapalabas ng Alien Employment Permits (AEPs) sa buong Pilipinas. Ang bagong kautusang ito ay opisyal na nagkakabisa ngayong Hunyo 9, 2026, at pamamahalaan na nang eksklusibo ng DOLE Central Office.

Sa ilalim ng Administrative Order No. 199, Series of 2026 na nilagdaan ni Secretary Tolentino, lahat ng DOLE Regional Offices sa bansa ay inatasan na agarang itigil ang pagtanggap, pagpoproseso, pag-eebalwasyon, at pag-iisyu ng mga bago at renewal na aplikasyon para sa AEP. Ang hakbang na ito ay naglalayong tiyakin ang pa­re-pareho at unipormeng pagpapatupad ng mga regulasyon sa paggawa para sa mga dayuhang nagnanais magtrabaho sa Pilipinas.

Ayon sa DOLE, ang direktibang ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng kagawaran na palakasin ang administrative over­­sight at pahusayin ang re­gulatory compliance.
Sa pamamagitan ng pagbuo ng iisang sistema sa pagpopro­seso, masisiguro ng pamunuan ng DOLE na walang magiging pag­kakaiba sa implementasyon ng mga patakaran sa iba’t ibang rehiyon.

Bukod dito, sinusuportahan din ng sentralisasyon ang mas malawak na inisyatiba ng departamento sa systems optimization, mas pinabilis na paghahatid ng serbisyo, at mas epektibong pagsubaybay at pag-audit sa mga regulasyon sa buong bansa.

Para sa mga aplikasyong na­tanggap ng mga rehiyonal na tanggapan bago matapos ang oras ng trabaho noong Hunyo 8, 2026, ipinag-utos ng kalihim na agad itong ihanda para sa digital transfer patungo sa Central Office. Sa oras na matanggap, ang Central Office na ang kukuha ng buong responsibilidad sa disposisyon ng mga nakabinbing dokumento.

Tiniyak naman ng DOLE na ang itinakdang processing period ay magpapatuloy mula sa kung saan ito nahinto upang masigurong walang mararanasang pagkaantala o multa ang mga aplikante, alinsunod sa Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here